Fake news alert: Lockdown dahil sa mpox, hindi totoo — DOH
Mariing pinabulaanan ng Department of Health (DOH) ang mga kumakalat na impormasyon online na nagsasabing may umiiral na lockdown sa bansa dahil sa mga kaso ng mpox o monkeypox.
Sa inilabas nilang advisory nitong Sabado, May 31, nilinaw ng DOH na walang batayan para magpatupad ng lockdown dahil hindi naman umano airborne ang naturang sakit.
Bagama’t walang eksaktong bilang na sinabi ang Kagawaran, inihayag nila na may pagtaas sa mga naitalang kaso noong 2024, gayundin nitong nakaraang Abril kumpara sa Mayo ngayong taon.

Paliwanag ng ahensya, mas naging aktibo lamang sa pag-uulat ang mga lokal na pamahalaan kaya’t tila mas napapansin ngayon ang mga kaso.
Dagdag pa ng DOH, ang mpox variant na kasalukuyang naitatala sa bansa ay ang Clade II, na mas banayad at mas mababa ang mortality rate kumpara sa mas delikadong Clade I-b. Tinatayang isa sa bawat sampung kaso ng Clade II ang nauuwi sa kamatayan, habang apat hanggang lima sa bawat limang katao naman ang sa Clade I-b.
Paalala lamang ng DOH sa publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon. Mainam din na sundan lamang ang mga official announcement at advisory mula sa kanilang verified social media accounts upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon.
Patuloy raw na mino-monitor ng DOH ang sitwasyon kasama ang mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat. #
