Ex-pres Duterte, maaari pa ring maluklok bilang Davao City Mayor: Comelec
By Acel Fernando, CLTV36 News
Ipoproklama pa rin ng Commission on Elections (Comelec) si dating pangulong Rodrigo Duterte bilang alkalde ng Davao City kung mananalo siya sa 2025 National and Local Elections sa darating na May 12.

Ito’y kahit nasa kustodiya na siya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands para harapin ang kasong crimes against humanity.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, mananatili siyang kandidato at maaaring iboto dahil wala pang pinal na hatol laban sa kanya.
Ipinaliwanag niya na ayon sa batas, ang isang kandidato ay madidiskwalipika lamang kung may pinal nang desisyon ang korte.
Wala pang precedent ang kaso ni Duterte, ngunit inihalimbawa ni Garcia ang desisyon ng Korte Suprema sa Jalosjos vs. Comelec, kung saan pinayagan ang isang kandidato na tumakbo kahit may kinahaharap na kaso.
Dagdag pa niya, may mga naunang kandidato rin sa barangay elections na nanalo at iprinoklama kahit nakakulong, kaya’t posibleng mangyari din ito sa dating pangulo. #