Ex-DPWH Secretary Bonoan, lumipad patungong U.S. sa gitna ng flood control controversy: Bureau of Immigration

Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na umalis ng bansa si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan patungong Estados Unidos nitong Martes, November 11, batay sa report mula sa Philippine News Agency.
Ayon kay Immigration Spokesperson Dana Sandoval, lumipad si Bonoan mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Parañaque City bandang 5:30 PM, sa flight na dadaan muna sa Taiwan bago tumulak patungong U.S..
Ipinahayag ng BI na ipinaalam nila sa Department of Justice (DOJ) ang biyahe ni Bonoan dahil nasa ilalim siya ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) dahil sa pagkakadawit sa anomalya sa flood control.
Gayunpaman, wala raw umiiral na hold departure order o warrant of arrest laban sa dating kalihim kaya siya pinayagang makaalis.
Si Bonoan ay nasangkot sa umano’y ireguralidad sa ilang flood control projects ng DPWH, na sinasabing may kinalaman sa maling pagpopondo at implementasyon ng mga proyekto.
Matatandaang nagbitiw siya sa pwesto noong Agosto sa gitna ng kontrobersiya. #
