Ex-DPWH official ng Bulacan, ginisa ng Senado kaugnay ng flood control ghost projects
Hindi kumbinsido si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa paliwanag ni former Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineer Office (DEO) Chief Henry Alcantara na pumipirma lamang siya ng mga dokumento at walang kaalaman sa umano’y mga ghost project sa kanyang nasasakupan.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, idinahilan ni Alcantara na nitong June 2025 lamang siya nailipat bilang Assistant Regional Director ng DPWH Region 4, kaya wala umano siyang alam sa mga iregularidad na nangyari sa Bulacan 1st District.
Giit ni Dela Rosa, hindi kapani-paniwala ang depensang ito lalo na’t malinaw na lumalabas ang pangalan ni Alcantara sa mga dokumentong kaugnay ng mga kuwestiyonableng proyekto.
Dagdag pa ni Dela Rosa, taliwas ito sa fact-finding team ni Sen. Panfilo Lacson na halos isang araw lamang nag-ikot sa Bulacan, ngunit mabilis na natukoy ang mga ghost project, bagay na nakapagtataka umano kung bakit hindi ito namalayan ni Alcantara na nakatalaga noon sa lugar.
Matatandaang una nang ibinunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na kabilang ang Bulacan 1st District sa mga lugar na may iregularidad sa flood control projects. #
