Evacuees ng San Pedro Cutud, kinumusta ng CSWDO matapos ang umano’y sapilitang pagpapauwi

Personal na kinausap ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha sa Brgy. San Pedro Cutud, CSFP. Kasunod ito ng mga naging usapin hinggil sa pagpapauwi sa ilang evacuee sa lugar.
Ilang pamilya ang nagpahayag na nais muna nilang manatili sa kanilang mga bahay, pero handa raw silang lumikas sa staging areas ng barangay kung muling tataas ang tubig.
Sinabi naman ng CSWDO na pwede pa ring gamitin ang Kayabe Permanent Evacuation Center sakaling kailanganin ng evacuation assistance.
Matatandaang iniulat ng CLTV36 News ang umano’y sapilitang pagpapauwi sa ilang evacuee ng San Pedro Cutud. Anila, sinabi umano sa kanila na mababa na ang baha sa kanilang lugar kaya pwede na silang umuwi. Taliwas naman ito sa nadatnan ng mga bakwit kung saan umaabot pa sa binti ang tubig.
May waiver din daw na umano’y pinapipirmahan sa kanila bago umalis sa evacuation facility. Itinanggi naman ng Lara Integrated School na teaching personnel nila ang nagpapirma.
Samantala, sa panayam ng CLTV36 News kay CDRRMO Chief Raymond Del Rosario, sinabi niyang wala siyang alam sa usapin ng waiver. Una na rin niyang iginiit na posibleng nagkaroon lang ng ‘miscommunication’ sa pagpapabalik sa mga evacuee. #
