eNotarization, inilunsad ng Supreme Court para sa mas mabilis na legal transaction
Hindi na kailangang personal na pumunta sa mga tradisyunal na notary office para sa ilang dokumentong kailangang ipa-notarize.
Inilunsad ng Supreme Court of the Philippines nitong Lunes, October 19, ang electronic notarization o eNotarization upang gawing mas mabilis, maginhawa, at accessible ang pagpapanotaryo ng publiko.
Sa ilalim ng bagong sistema, maaari nang ipa-notarize online ang mga electronic document gamit ang mga platform na kinikilala ng Korte Suprema. Kabilang sa mga ito ang Twala, QLegal, at NotarizeIT.Ā

Para magamit ang serbisyo, kailangan lang magparehistro sa napiling platform, ihanda ang dokumentong nasa PDF o PDF/A format, at pumili ng commissioned Electronic Notary Public (ENP) mula sa directory ng Korte Suprema.
Maaaring isagawa ang notarization nang personal gamit ang electronic platform o sa pamamagitan ng videoconferencing. May proseso rin para beripikahin ang pagkakakilanlan ng mga partido at mapangalagaan ang pagiging tunay at integridad ng dokumento.
Gayunman, paalala ng Supreme Court na para lamang ito sa mga kwalipikadong electronic document. Ang mga dokumentong nangangailangan ng wet signature o aktwal na sulat-kamay na lagda ay mananatili sa tradisyunal na proseso ng pagpapanotaryo. #
