Elected barangay at SK officials, maaaring mangampanya para sa NLE 2025: Comelec
By Acel Fernando, CLTV36 News
Pinapayagan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga elected official ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) na lumahok sa kampanya at partisan political para sa National and Local Elections 2025.

Ayon sa Comelec Minute Resolution 24-1001, hindi sakop ng pagbabawal sa partisan political activities ang mga halal na opisyal ng barangay at SK, batay sa desisyon ng Korte Suprema.
Nilinaw din ng Comelec na tanging mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng civil service ang may restriksyon sa ganitong aktibidad.
Gayunman, may limitasyon ang exemption na ito. Bawal humingi ng donasyon ang mga opisyal mula sa kanilang subordinates o pilitin silang lumahok sa mga ipinagbabawal na gawain sa ilalim ng Omnibus Election Code (OEC), partikular sa Section 261(i).
Inalis din ng Comelec ang pagbabawal sa mga job order (JO) at contract of service (COS) workers sa gobyerno na sumali sa kampanya, alinsunod sa Artikulo IX-B, Section 2(4) ng 1987 Constitution, Section 261(i) ng OEC.
Paalala ng Comelec, hindi maaaring gamitin ang pondo ng gobyerno upang ipasok ang mga JO at COS workers sa anumang kampanya o partisan political activity. #