EJ Obiena, naghari sa Atletang Ayala World Pole Vault Challenge

Umangat sa rurok ng tagumpay si Pinoy pole vaulter EJ Obiena matapos dominahin ang unang Atletang Ayala World Pole Vault Challenge na ginanap sa Ayala Triangle Gardens sa Makati City nitong Linggo, September 21.
Bilang World No. 7, hindi binigo ni Obiena ang home crowd nang malinis niyang lampasan ang 5.80 meters sa kanyang second attempt.
Nakipagbakbakan hanggang dulo si Thibaut Collet ng France, ngunit dahil sa third try niya lamang naipasok ang 5.80 meters, naungusan siya ni Obiena at nakuha ang second place.
Samantala, kinumpleto ni Piotr Lisek ng Poland ang top 3 matapos makuha ang 5.60 meters, habang sina Matt Ludwig ng USA at Ersu Sasma ng Turkey ay nagtapos sa 5.45 meters.
Hindi rin nagpahuli ang crowd favorites na sina Austin Miller ng USA at Oleg Zernikel ng Germany na nagtala ng tig-5.30 meters, samantalang sina Menno Vloon ng Netherlands at Filipino Hockett Delos Santos ay hindi nakapagtala ng marka.
Bukod sa medalya at ranking points, nagsilbing milestone para sa Philippine athletics ang torneo dahil ito ang unang globally sanctioned pole vault event na dinaluhan ng mga world-ranked athletes sa Pilipinas.
Para kay Obiena, ang kompetisyon ay katuparan ng kanyang matagal nang pangarap na makita ang Pilipinas bilang entablado ng mga pinakamalalaking pangalan sa larangan ng pole vault. #
