E-bikes at e-trikes, bawal na sa major roads simula Dec. 1; legalidad ng patakaran, kinuwestiyon

Simula December 1, ipagbabawal na ng Land Transportation Office (LTO) ang pagdaan ng mga e-bike at e-trikes sa mga pangunahing kalsada sa bansa.
Ayon kay Sen. JV Ejercito, nakipagpulong na ang LTO sa Department of Transportation (DOTr) upang sigurihing mas maipatupad ang mahigpit na regulasyon sa mga e-trike na lumalabas sa itinakdang ruta.
Binanggit din niya na makikipag-ugnayan na ang ahensya sa Department of the Interior and Local Government (DILG) upang agad maabisuhan ang mga LGU.
Ipinunto naman ni Sen. Raffy Tulfo na matagal nang inirereklamo ng traditional tricycle drivers ang hindi patas na kompetisyon. Dumadaan kasi sa proseso ng prangkisa, rehistro at insurance ang mga tradisyunal na tricycle, habang ang e-bike at e-trike users umano ay nakikihalo sa trapiko nang walang kaparehong obligasyon.
Giit niya, nalilito pa ang mga otoridad kapag may aksidente dahil hindi agad maiproseso ang citation o pag-iimbestiga. Kasabay nito, nilinaw ng LTO na otomatiko nitong ikakandado o i-impound ang anumang e-bike o e-trike na masasangkot sa insidente sa kalsada.
Pinayuhan din nila ang mga gumagamit na manatili lamang sa mga subdivision o secondary roads kung saan mas ligtas at hindi nakikipagsabayan sa regular na daloy ng trapiko.
Dagdag pa ng mga senador, magsasagawa pa ang DOTr at LTO ng mas malawak na pag-aaral at konsultasyong publiko upang tukuyin kung paano dapat irehistro at isaayos ang regulasyon sa mga e-vehicles sa hinaharap.
Samantala, kinuwestiyon ni House Committee on Public Accounts at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang naturang patakaran.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Ridon na walang malinaw na basehan ang LTO para kumpiskahin ang mga light electric vehicles o LEVs.
Giit niya, hindi saklaw ng DOTr–LTO Memorandum Circular 89-105 ang mga private LEV dahil malinaw umano sa Electric Vehicle Industry Development Act o EVIDA Law na hindi kailangan ng rehistro ng mga sasakyang ito. #
