Duterte, may karapatang dumaan sa tamang proseso ng batas: Sen. Jinggoy Estrada
Nanawagan si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada sa sambayanang Pilipino na manatiling kalmado habang nagpapatuloy ang legal proceedings kaugnay ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Hinimok niya ang publiko na umiwas sa anumang uri ng karahasan, pagpapakalat ng maling impormasyon, o mga hakbang na maaaring magdulot ng kaguluhan.

Ayon kay Estrada, may karapatang dumaan sa tamang proseso si Duterte at bilang isang abogado, batid niya ang mga hakbang na dapat sundin. Tiwala raw siya na igagalang at poprotektahan ang mga karapatan ng dating pangulo, alinsunod sa prinsipyo ng due process.
“Matibay at gumagana ang ating justice system kaya’t naniniwala akong masusunod ang tamang proseso alinsunod sa batas,” ani Estrada.
Sa huli, binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng pagkakaisa at katatagan ng bansa sa gitna ng hamong ito sa kasaysayan.