Drug den sa Mabalacat City, sinalakay ng PDEA; 5 arestado sa buy-bust
Isang makeshift drug den sa Brgy. Marcos Village, Mabalacat City, Pampanga ang binuwag ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 3 (PDEA-III) sa isinagawang buy-bust operation dakong 6:35 PM nitong Linggo, April 12.
Lima katao ang naaresto kabilang ang isang itinuturong maintainer ng drug den.

Nakumpiska sa mga suspek ang pitong plastic sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 7 grams at tinatayang nagkakahalaga ng ₱47,600. Nasamsam din ang mga drug paraphernalia, isang cellphone, at buy-bust money.
Ikinasa ng mga operatiba mula sa PDEA Provincial Offices sa Tarlac at Pampanga ang operasyon, katuwang ang Mabalacat City Police Station.

Kasalukuyan nang nakakulong ang mga salarin sa PDEA-III detention facility sa City of San Fernando habang isinasailalim sa forensic examination ang mga nakuhang ebidensya.
Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. #
