Drone Warfare Summit 2025, inilunsad ng Philippine Navy sa Subic
Pormal na binuksan ng Philippine Navy, katuwang ang Philippine Fleet, ang Drone Warfare Summit 2025 nitong Lunes, October 27 sa Subic Bay Exhibition and Convention Center sa Olongapo City, Zambales.
Layunin ng 3-day summit na ipakita ang mga makabagong teknolohiya sa drone at unmanned systems.

Tampok dito ang talakayan hinggil sa paggamit ng mga drone sa larangan ng depensa, kabilang ang airborne at land-based unmanned systems, pati na rin ang counter-drone technologies na lalong nagiging mahalaga sa modern operation ng militar.
Ayon kay Assistant Secretary Augusto Gaite ng Department of National Defense, binibigyang-diin ng paggamit ng teknolohiya ang balanseng ugnayan ng makabagong kagamitan at ng human element sa mga operasyon.

Isasagawa rin sa summit ang focus group discussions at mga breakout sessions para pag-usapan nang mas malaliman ang mga teknikal, polisiya, at estratehikong isyu kaugnay ng drone warfare.
Bahagi ang Drone Warfare Summit ng pagsuporta sa AFP Modernization Program at sa Self-Reliant Defense Posture ng bansa, na layong palakasin ang kakayahan ng Philippine Navy sa teknolohiya, seguridad, at depensa sa karagatang saklaw ng Pilipinas. #
