Dredging activity ng isang Chinese firm sa Zambales, pinaiimbestigahan ng Kamara
Inihain ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang House Bill Resolution No. 424 para imbestigahan ang umano’y malawakang dredging at sand extraction ng China Harbour Engineering Company Ltd. sa San Felipe, Zambales.
Ang naturang kumpanya ay subsidiary ng state-run China Communications Construction Company. Binanggit ng kongresista na lumalakas ang pangamba na lumalampas umano sa tunay na layon ng proyekto ang operasyon ng kumpanya.

Ginagamitan umano ng flood control projects ang probinsya para pagtakpan ang malawakang dredging. Nakasaad ito sa ilalim ng DENR Administrative Order No. 2019-13 na pinagdududahan ngayon ng ilang sektor.
Giit ni De Lima, kailangan ng mas mahigpit na pagbabantay sa mga proyektong may malaking epekto sa kalikasan at komunidad. Itinutulak niya ang mas malinaw na transparency at accountability sa pag-apruba at pagmo-monitor ng mga dredging activity.
Ipinunto rin ng mambabatas na may panganib sa kabuhayan at kaligtasan ng mga residente sakaling mapabayaan ang ganitong operasyon. Nanawagan siya sa Kongreso na kumilos agad upang mapangalagaan ang karapatan ng publiko sa isang balanseng at malusog na kapaligiran. #
