Dismissal ng Registry of Deeds official na si Atty. Lorna Salangsang-Dee, ipinag-utos ng Ombudsman; kaso, kaugnay umano ng lupang kinatatayuan ng dating POGO hub sa Porac: UPACC
Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagpapatalsik sa government service ni Atty. Lorna Manalastas Salangsang-Dee matapos mapatunayang ‘administratively liable’ siya sa Grave Misconduct at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service kaugnay ng mga pinagtatalunang dokumento ng ari-arian.
Batay sa Consolidated Decision ng Ombudsman sa kasong Lucas, et al. vs. Manlangit-Tam, et al., bukod sa dismissal, ipinataw din kay Salangsang-Dee ang cancellation of eligibility, forfeiture of retirement benefits, at perpetual disqualification from holding public office.
Sa hiwalay na Consolidated Resolution, nakakita rin ang Ombudsman ng probable cause upang sampahan ang opisyal ng three counts ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon kay Pyra Lucas, Chairperson ng United Pilipino Against Crime and Corruption (UPACC), may kaugnayan ang kaso sa ipinaglalabang karapatan sa lupa ng mga magsasaka sa Porac, partikular sa lugar na kinatatayuan ng dating POGO hub.
Gayunman, kailangan pa raw matukoy sa pamamagitan ng pagsusuri sa kabuuang desisyon ng Ombudsman at mga kaukulang land records ang eksaktong ugnayan ng mga pinagtatalunang dokumento sa nasabing lupain.
Samantala, sa isang pahayag na ipinadala ni Salangsang-Dee sa CLTV36 News, sinabi niya na hindi pa niya natatanggap ang kopya ng resolusyon ng Ombudsman.
“I appreciate you reaching out to me but I haven’t received a copy of any resolution yet. If I receive one, I’ll definitely file a Motion for Reconsideration because there are definitely matters that were not considered and I am optimistic that the case against me will be dismissed,” aniya.
Dagdag pa niya, umaasa rin daw siyang tuluyang ibabasura ang reklamong isinampa laban sa kanya at hiniling na igalang muna ang kanyang karapatang hindi magbigay ng karagdagang komento.
Nilinaw naman na ang pagkakaroon ng probable cause ay hindi nangangahulugang nahatulan na si Salangsang-Dee sa kasong kriminal. Kailangan ding matukoy ang status at finality ng ipinataw na parusang administratibo. #
