Discaya couple, kinasuhan ng graft at malversation sa substandard flood control sa Bulacan

Sinampahan ng kasong graft and malversation ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ng St. Timothy Construction Corp. kaugnay ng umano’y substandard na flood control project sa Barangay Bulusan, Calumpit, Bulacan.
Magkasamang naghain ng reklamo sa Bulacan Regional Trial Court nitong Huwebes, June 4, sina Assistant Ombudsman Mico Clavano at DPWH Secretary Vince Dizon.
Ayon kay Dizon, itinuturing nilang “malaking isda” sa flood control scam ang mga Discaya dahil diumano sa lawak at tagal ng kanilang naging operasyon.

“Big fish talaga ang mga Discaya. Ang mga Discaya parang mga Napoles ’yan dito sa flood control scam,” saad ng kalihim.
Non-bailable o walang kaukulang piyansa ang kasong isinampa, habang patuloy ang pagbusisi ng mga otoridad sa iba pang flood control projects na mayroon din umanong iregularidad.
Samantala, hinihintay pa ang panig ng mag-asawang Discaya at ng St. Timothy Construction Corp. ukol dito. #
