DepEd at HOPE group, magtatayo ng bagong classrooms sa buong bansa
Maituturing na mahalagang hakbang ang kolaborasyon ng Department of Education (DepEd) at HOPE, kasama ang iba pang pribadong kumpanya, upang masolusyunan ang matagal nang kakulangan sa silid-aralan sa bansa.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, nakahanay ang inisyatibong ito sa “whole-of-nation-approach” ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng sektor ng edukasyon.
Sa ilalim ng Generation HOPE program ng DepEd, magtatayo ng karagdagang mga silid-aralan sa iba’t ibang panig ng bansa sa pamamagitan ng public-private partnership.
Matatandaang binigyang-diin ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang target na makapagpatayo ng 40,000 classrooms hanggang 2028 upang matupad ang layunin na magkaroon ng kahit isang college o Tech-Voc graduate sa bawat pamilyang Pilipino.
Higit pa sa Silid-Aralan
Binigyang-diin ni Romualdez na hindi lamang mga bagong classrooms ang benepisyo ng proyekto. Aniya, magdudulot ito ng mas maayos, ligtas, at epektibong pasilidad para sa mga kabataang Pilipino.
Itinatag ang HOPE Group noong 2012, kung saan lahat ng kita mula sa kanilang produkto ay inilaan para sa pagtatayo ng classrooms at iba pang social projects. Sa kasalukuyan, nakapagtayo na ang grupo ng 144 na silid-aralan na kumpleto sa kagamitan at pasilidad, na ngayo’y pinakikinabangan ng mahigit 52,000 estudyante sa buong bansa.
Suporta mula sa Kongreso
Samantala, pinuri din ni Romualdez ang pamumuno ni DepEd Secretary Sonny Angara at tiniyak na susuportahan ng Mababang Kapulungan ang education agenda ng Pangulo.
Dagdag pa niya, may sapat na pondo para sa proyekto dahil nakapaloob ito sa mahigit ₱6.7 trillion na proposed national budget para sa 2026. #
