De Lima, Diokno, magiging bahagi ng House prosecution panel vs. VP Sara impeachment
Bukas daw si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa pagsama nina dating Senadora Leila de Lima at human rights lawyer Chel Diokno sa House prosecution panel para sa nalalapit na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado.

Ayon kay Romualdez, makatutulong umano ang ligal na karanasan at paninindigan sa katarungan nina De Lima at Diokno upang maging mas patas at kapani-paniwala ang isasagawang proseso.
Inaasahang babalik sa Kongreso sina De Lima at Diokno sa ilalim ng Mamamayang Liberal Partylist at Akbayan, na nangunguna ngayon sa partylist race.
Giit pa ni Romualdez, dapat isagawa ang impeachment trial batay sa mga ebidensya at batas, at nang walang halong pulitika o personal na interes.
Ayon kay Romualdez, karapat-dapat lamang na ang Senado ay makapakinig sa isang maayos at makatuwirang paglilitis.
Matatandaang sinampahan ng impeachment complaint si VP Sara dahil sa isyu ng confidential funds at iba pang paglabag sa ilalim ng Saligang Batas.
Samantala, sa Facebook pages ng ML Partylist at Akbayan Partylist, sinabi nina De Lima at Diokno na tinawagan at inimbitahan sila ng House Speaker, kung saan kinumpirma rin nila ang pakikibahagi sa trial.


Pareho rin nilang inihayag na hindi umano ambisyon o pulitika ang nag-udyok sa paglahok nila dito, kundi paninindigan para sa katotohanan at katarungan. #
