Dating Mayor ng Laur, Nueva Ecija, hinatulang makulong sa kasong malversation
Hinatulan ng Sandiganbayan si dating Laur, Nueva Ecija Mayor Blas Canlas ng hanggang 16 na taong pagkakakulong dahil sa kasong malversation o paglustay ng ₱3.5 million na pondo ng bayan.
Ang nasabing halaga ay nagmula sa mga cash advance na hindi umano na-liquidate noong 2006.
Sa 31-pahinang desisyon na inilabas nitong Martes, September 2, iginiit ng korte na obligasyong sumunod ni Canlas sa mga alituntunin ng Commission on Audit (COA) hinggil sa wastong paggamit at pag-liquidate ng pondo dahil siya ang local chief executive at tumanggap nito.
Bukod sa pagkakakulong, inatasan din ang dating alkalde na ibalik sa lokal na pamahalaan ng Laur ang naturang halaga. May kaakibat din itong subsidiary imprisonment kung wala siya kakayahang magbayad.
Pinatawan din si Canlas ng habambuhay na diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Matatandaang noong 2018 pa unang nagpasya laban kay Canlas ang Sandiganbayan, ngunit inakyat niya ang kaso sa Korte Suprema. Ibinasura ng SC ang naunang hatol at ibinalik ang kaso sa Sandiganbayan para ipagpatuloy ang paglilitis. #
