Dalawang bata, nasagip sa umano’y child exploitation sa Angeles City
Nasagip ng mga otoridad ang dalawang menor de edad sa isinagawang operasyon laban sa umano’y child exploitation sa Purok 6, Brgy. Anunas, Angeles City gabi nitong Lunes, June 15.
Ayon sa Angeles City Police Office (ACPO), tatlong Korean national ang naaresto matapos mapatunayang pinagtatrabaho ang naturang mga bata sa isang online gaming operation.

Lumabas sa imbestigasyon na pinagtatrabaho umano ang mga bata mula 6 PM hanggang 6 AM para sa larong “Lineage Classic” at kinakailangang makaabot sa itinakdang daily quota.
Tumatanggap umano ang mga menor de edad ng sahod na ₱500 kada araw. Wala namang kaukulang business permit at employment authorization ang mga nahuling banyaga.
Nag-ugat ang ikinasang operasyon ng pulisya nang magsumbong ang mga magulang ng mga bata hinggil sa madalas na pagpasok at paglabas ng kanilang mga anak sa apartment na tinitirhan ng mga suspek.
Kaagad na dinala ang mga bata sa ligtas na lugar para sa proper intervention at assistance.
Nahaharap ang mga naarestong dayuhan sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. #
