Dagdag na party-list seat sa Kongreso, aprubado na ng Comelec

Inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang rekomendasyon na magdagdag ng isa pang party-list seat sa House of Representatives.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, matapos ang pagsusuri ng lupon, tataas mula 63 tungo sa 64 ang kabuuang party-list seats sa Kongreso, batay sa naging resulta ng nagdaang national at local elections nitong Mayo.
Nilinaw ni Garcia na bagama’t kailangan pa ng konsultasyon mula sa Mababang Kapulungan kaugnay ng naturang pagbabago, ang pinal na pasya hinggil dito ay magmumula mismo sa Comelec.
Inatasan na rin ng poll body ang Law Department at Supervisory Committee na magbigay ng rekomendasyon kung aling grupo ang dapat iproklamang ika-64 na party-list.
Batay sa 1987 Constitution, nakasaad na 20% ng mga miyembro ng House of Representatives ay dapat nagmumula sa mga party-list group.
Kaugnay nito, humingi na rin ng paglilinaw si Garcia kung ano ang magiging epekto ng pagkansela ng registration ng Duterte Youth Partylist, sakaling maging final at executory na ang desisyon. Aniya, ito ang magsisilbing pamantayan ng Comelec en banc sa pagpili kung aling grupo ang papalit at uupo sa Kongreso.
Matatandaang kinatigan ng Comelec en banc ang desisyon ng Second Division na kanselahin ang registration ng Duterte Youth dahil sa umano’y misrepresentation. Nag-ugat ang usapin matapos hilingin ng mga grupong Gabriela Youth, Anakbayan, at Kabataan Tayo ang Pag-asa ang diskwalipikasyon ng naturang partylist noong nakaraang halalan. #
