CulayIT Pampanga, suportado ang Pax Silica Framework para sa tech growth
Opisyal na nagpahayag ng suporta ang CulayIT Pampanga sa Pax Silica Framework na naglalayong palakasin ang semiconductor manufacturing, advanced technology supply chains, at smart infrastructure sa rehiyon.
Inihayag ito sa 8th Innovation Morning ng CulayIT nitong Miyerkules, August 12, sa New Clark City, kung saan ibinahagi ni BCDA Investment Promotions & Marketing Department Vice President Erwin Kenneth Peralta ang mga proyekto at pasilidad ng New Clark City.
Kasunod ng presentasyon, pinangunahan ni Ching Pangilinan ang site tour para sa mga dumalo, na nagbigay-daan upang makita ang potensyal ng New Clark City para sa mga investor, negosyo, at technology innovators.
Samantala, tinalakay naman ni Remote Employee CEO Ruffy Galang ang mga paraan sa pagbuo at pagpapalago ng tech companies, habang iniulat ni Education Committee Chair Jasper David ang partnership ng CulayIT Academy at TESDA.
Nagbahagi rin si CulayIT President & BMWARE CEO Bert Batac ng mga aplikasyon ng generative AI para sa mga executive at business owners, kasabay ng ulat sa mga pangunahing milestone ng organisasyon ngayong 2026.
Kabilang dito ang pagtatatag ng kauna-unahang Innovation Hub sa City of San Fernando, katuwang ang University of the Assumption at DOST Sulong, at pagkilala sa CulayIT Academy bilang unang organisasyong accredited sa TESDA EBET Program sa buong bansa. #
