CSC, aprubado na ang pagbibigay ng civil service eligibility para sa qualified SK officials
By Acel Fernando, CLTV36 News

Makakakuha na ng civil service eligibility ang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) na matagumpay na nakatapos ng buong tatlong taong termino. Ito ay matapos aprubahan ng Civil Service Commission (CSC) ang pagpapatupad ng Sangguniang Kabataan Official Eligibility (SKOE).
Layunin ng hakbang na ito na kilalanin ang ambag ng kabataang lider sa pamahalaan at bigyan sila ng pagkakataong maipagpatuloy ang serbisyo publiko sa mas mataas na antas.
Ayon kay CSC Chairperson Atty. Marilyn Yap sa panayam ng Philippine News Agency (PNA), ang nasabing patakaran ay patunay ng pagkilala ng Komisyon sa dedikasyon at mahalagang papel ng kabataan sa pagsusulong ng tapat na paglilingkod.
Batay sa CSC Resolution No. 2500752 na inilabas noong July 24, 2025, saklaw ng SKOE ang mga SK member, secretary, at treasurer na nakatapos ng kanilang buong termino.
Hindi naman kasama rito ang mga SK chairperson, dahil sakop na sila ng Barangay Official Eligibility (BOE).
Nilinaw din ng Komisyon na hindi maaaring mag-apply ang sinumang SK official na may kamag-anak hanggang second degree sa mga incumbent elected officials sa kanilang lokal na pamahalaan.
Samantala, sinimulan na ng CSC ang pagtanggap ng mga aplikasyon nitong Sabado, October 4, sa lahat ng regional at field offices ng ahensya.
Nagbabala rin ang CSC na awtomatikong mababasura ang eligibility kung mapatunayang hindi kwalipikado ang aplikante o lumabag sa umiiral na mga patakaran. #
