Contractors na sangkot sa ghost, substandard projects, papatawan ng ‘lifetime blacklist’ ng DPWH

Nagbabala si bagong Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na habambuhay nang pagbabawalan sa lahat ng government projects ang mga contractor na mapatutunayang sangkot sa ghost projects at substandard na imprastruktura.
Sa kanyang unang press briefing bilang kalihim ng DPWH, sinabi ni Dizon na hindi na dadaan sa mas mahabang imbestigasyon ang mga kumpanyang lumabag, bagkus ay agad na ipapataw ang lifetime blacklist.
Aniya, ito’y para matuldukan na ang mga katiwaliang nag-ugat sa mga flood control project.
Kaugnay nito, inihayag ng kalihim na bumuo si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng isang independent commission na magsasagawa ng imbestigasyon at magsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng DPWH at private contractor na nagkasala.
Dagdag pa ni Dizon, sisimulan din ang malawakang overhaul sa hanay ng mga opisyal ng kagawaran, lalo na sa mga district engineering office na madalas nasasangkot sa anomalya.
Si Dizon ay pormal na nanumpa sa harap ni Pangulong Marcos nitong Lunes, September 1, kapalit ng nagbitiw na si dating Secretary Manuel Bonoan.
Bago ang kanyang pagkakatalaga, pansamantalang pinamunuan ni Dizon ang Department of Transportation o DOTr. #
