Contractor ng umano’y substandard na flood control project sa Calumpit, pinagpapaliwanag ni PBBM

Dismayado si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kanyang mga nakita sa isang flood control project sa Calumpit, Bulacan.
Sa pagbisita ng Pangulo kasama si Transporation Secretary Vince Dizon at Governor Daniel Fernando sa River Protection Structure sa Barangay Bulusan ng nasabing bayan nitong Biyernes, August 15, napag-alaman na hindi natapos ang proyekto na makatutulong sana para maibsan ang pagbaha.
“Mahigit 200 meters hindi ginawa…wala na talagang linagay. Pero pagtitingnan yung report namin dapat completed na ito. Butas-butas pala itong dike na ito,” ani PBBM
Ayon pa sa Pangulo, maraming component ang proyekto na hindi nai-deliver.
“Under specification ang dike dahil nasa bakal tapos nakita niyo… manipis ang semento kaya bumigay na nga,” hayag pa ng Pangulo.
Pinagpapaliwanag ngayon ni Pangulong Marcos ang contractor na naturang proyekto na St. Timothy Construction Corporation.
Isa ang St. Timothy sa mga Top 3 out of 15 contractors na nakakuha ng maraming flood control projects sa buong bansa.
“What possible excuse do they have for not doing this. Hindi ko maisip eh,” dagdag pa ni Marcos, Jr.
Batay sa impormasyon mula sa Presidential Communication Office o PCO, nagkakahalaga ng mahigit ₱96.4 million ang nasabing proyekto.
Ang Bulacan ang pinakamaraming flood control projects sa lahat ng mga lalawigan sa bansa sa bilang na 668.
Aabot sa ₱6.5 billion na pondo ang ginastos para sa mga ito bagama’t hindi kasali ang lalawigan sa most flood-prone areas nationwide, ayon pa sa PCO. #
