Comelec, mas pinahigpit ang pagbabantay kontra vote-buying
Nakatakdang magpatupad ng mas mahigpit na mga hakbang ang Commission on Elections o Comelec upang labanan ang pagbili at pagbebenta ng boto (vote-buying and vote-selling), pati na rin ang pang-aabuso sa mga yaman ng estado (abuse of state resources o ASR) sa nalalapit na May 12, 2025 National and Local Elections.
Sa pamamagitan ng Resolution No. 11104, pinalawak ang kapangyarihan ng 𝗖𝗼𝗺𝗺𝗶𝘁𝘁𝗲𝗲 𝗼𝗻 𝗞𝗼𝗻𝘁𝗿𝗮 𝗕𝗶𝗴𝗮𝘆, na ang layunin ay tiyakin ang integridad ng halalan at ipatupad ang mga regulasyon at alituntunin laban sa mga iligal na gawain gaya ng paggamit ng mga pampublikong pondo at kagamitan para sa pansariling kapakinabangan sa panahon ng kampanya.
Batay sa Resolution No. 11104, ang mga sumusunod ay ilan sa itinuturing na mga presumption ng vote buying at vote selling:
- Pagbibigay, pag-aalok, o pangangako ng anumang bagay na may halaga bilang kapalit ng boto.
- Pamamahagi ng mga grocery items, discount cards, o iba pang mga produkto kasama ang mga sample ballots o campaign materials.
- Pagkakaroon ng mahahabang pila sa labas ng bahay ng isang kandidato para sa pamamahagi ng mga goods o ayuda.
- Pagkakaroon ng mga chemical substances tulad ng acetone o nail polish remover sa araw ng halalan.
- Pagbibigay ng ayuda o assistance na may kasamang campaign materials o pangalan ng kandidato.
Ang mga lumalabag sa mga probisyon ng Resolution No. 11104 ay maaaring arestuhin nang walang warrant kung sila ay nahuli sa akto ng paglabag. Ang mga materyales na ginamit sa vote buying, vote selling, o pang-aabuso sa mga yaman ng estado ay agad na kukumpiskahin at isasailalim sa kustodiya ng mga otoridad. Ang mga nahuling lumalabag ay dadalhin sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang dumaan sa kaukulang proseso ng batas.
Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng Comelec na tiyakin ang integridad at kredibilidad sa darating na halalan.
Kung kayo ay nakasaksi na ng vote buying o vote selling, i-report na ‘yan sa COMELEC Committee on Kontra Bigay!
Narito ang mga paraan upang maiparating ang inyong reklamo:
Email address: committee.kontrabigay@comelec.gov.ph
Facebook Page: COMELEC Committee on Kontra Bigay https://www.facebook.com/ComelecCKB
Mobile Numbers: Globe 0995 299 3725 | Smart 0921 954 5992
