Cash gift distribution para sa mga senior citizen sa CL, sinimulan na

Personal na natanggap ng 95-anyos na si Paz Tiongco Telan mula sa Floridablanca, Pampanga ang kanyang cash gift sa ilalim ng Republic Act 11982 o Expanded Centenarians Act of 2024.
Siya ang pinakamatandang benepisyaryo nito sa inilunsad na Inaugural Cash Gift Distribution sa Gitnang Luzon, na pinangunahan ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) sa Guagua, Pampanga nitong Miyerkules, February 26.
Sa report ng Philippine News Agency (PIA), sinabi ni Telan na gagamitin niya ang natanggap na halaga upang tumulong sa sinumang nangangailangan bilang pasasalamat sa Diyos, lalo na’t hanggang ngayon ay wala pa siyang maintenance na gamot.
Isa si Telan sa 1,343 senior citizens sa rehiyon na una ng nakatanggap ng kanilang cash gifts mula sa pamahalaan.
Sa bisa ng Republic Act 11982, binibigyan na rin ng ₱10,000 ang mga senior citizen sa kanilang “Milestone Age” na 80, 85, 90, at 95. Ito ay bukod pa sa dating itinatakdang ₱100,000 na insentibo para sa mga umaabot sa edad na 100 sa ilalim ng Republic Act 10868 o Centenarians Act of 2016.
Ayon kay NCSC Project Development Officer Evangeline Medina, bahagi ang programang ito ng mga inisyatiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang mapabuti ang kalagayan ng senior citizens sa bansa. Sa taong ito, may kabuuang ₱2.9 bilyon ang inilaan mula sa 2025 National Budget upang ipamahagi sa tinatayang 275,000 senior citizens sa buong Pilipinas.
Pinuri naman ni Roberto Bautista, pangulo ng Federation of Senior Citizens Association of the Philippines-Pampanga Chapter, ang programa dahil higit nito umanong pinalalakas ang pagpapahalaga ng mga pamilya sa kanilang mga nakatatanda.
Bukod sa Expanded Centenarians Act, nagbibigay rin ang pamahalaang panlalawigan ng Pampanga ng buwanang social pension na ₱1,000 sa mga senior citizen na residente nito.
Samantala, patuloy naman ang gagawing pamamahagi ng cash gifts sa iba pang senior citizens sa Central Luzon, kabilang ang 358 sa Nueva Ecija, 343 sa Bulacan, 340 sa Pampanga, 231 sa Tarlac, 35 sa Zambales, 33 sa Bataan, at tatlo sa Aurora. Sa kabuuan, P14.2 milyon ang inisyal na alokasyon para sa programang ito ng pamahalaan. #