Calendar of activities para sa BSKE 2025, inilabas na ng Comelec
Naglabas na ng bagong calendar of activities ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), bagama’t hindi pa tiyak kung matutuloy ito ngayong taon.
Sa kasalukuyan kasi ay hinihintay pa rin ang pirma ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa panukalang batas na magpapaliban sa BSKE mula December 1, 2025 patungong unang Lunes ng November 2026.

Gayunpaman, ayon sa Komisyon, magsisimula ang voter registration mula August 1 hanggang August 10. Kasabay nito, isasagawa rin ang Special Register Anywhere Program at online application para sa reactivation ng mga botante mula August 1 hanggang August 7.
Para sa mga nais kumandidato, itinakda ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) mula October 1 hanggang October 7. Mahigpit namang ipagbabawal ang premature campaigning mula October 1 hanggang November 19.
Samantala, magsisimula ang election period sa October 27 at tatagal hanggang December 31, kung saan ipatutupad ang gun ban.
Ang campaign period ay papayagan lamang mula November 20 hanggang November 29, habang mahigpit na ipagbabawal ang pagbebenta ng alak sa November 30, isang araw bago ang mismong halalan.
Sa December 1, election day, bibigyang-prayoridad ang senior citizens, buntis, at persons with disabilities (PWDs) mula 5 AM hanggang 7 AM. Bukas naman ang regular voting hours mula 7 AM hanggang 3 PM.
Itinakda naman ang huling araw ng pagsusumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa December 31.
Paalala ng Komisyon sa mga botante at mga tatakbo sa halalan, mainam na alamin at sundin ang mga itinakdang schedule at patarakan para maging maayos at mapayapa ang pagsasagawa ng BSKE.
Para sa iba pang detalye, maaaring bisitahin ang official facebook page ng Comelec. #
