Calendar of activities ng BSKE 2026, inilabas na ng Comelec
Inilabas na ng Commission on Elections (Comelec) ang calendar of activities para sa isasagawang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa darating na Nobyembre.

Itinakda ng Komisyon ang paghahain ng Certificates of Candidacy o COCs mula September 28 hanggang October 5.
Batay sa Comelec Resolution No. 11191, magsisimula naman ang election period sa October 3 at magtatapos sa November 9.
Sa panahon ng election period, ipatutupad ang gun ban kung saan ipinagbabawal ang pagdadala ng baril at iba pang nakamamatay na armas sa mga pampublikong lugar.
Hindi rin pinapayagan ang paggamit ng private security personnel o bodyguards ng mga kandidato, pagbuo ng reaction o strike forces, gayundin ang pagsususpinde ng mga halal na opisyal at ang paglilipat o pagde-detail ng mga kawani ng civil service.
Itinakda ang campaign period mula October 22 hanggang October 31. Ipinagbabawal sa panahong ito ang pag-aalis o pagsira sa mga lehitimong campaign materials, paggamit ng illegal propaganda, at ang pamimigay ng pera o anumang bagay na may halaga.
Ayon pa sa Comelec, mahigpit na ipagbabawal ang pangangampanya, pagbebenta at pag-inom ng alak, at ang pagbibigay o pagtanggap ng libreng transportasyon, pagkain, inumin, o iba pang bagay na may halaga sa bisperas ng halalan sa Nobyembre 1.
Isasagawa ang botohan sa araw ng halalan mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-tres ng hapon. Susundan ito agad ng bilangan at canvassing ng mga boto, at proklamasyon ng mga nanalong kandidato.
Ang deadline ng paghahain ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) ay sa December 2.
Batay sa Republic Act No. 12232, idinaraos ang BSKE tuwing unang Lunes ng November 2026.
Samantala, nakasaad din sa listahan ang voter registration para sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) sa May 1-18.
Matatandaang nauna nang ipinostpone ng Comelec ang eleksyon sa BARMM at naghihintay pa ng panibagong batas mula sa Kongreso para sa bagong petsa ng halalan. #
