Bulacan Gov. Fernando, umapela ng respeto sa gitna ng NLEX road rage controversy
Nanawagan si Bulacan Governor Daniel Fernando sa publiko na igalang ang mga opisyal na pahayag ng pamahalaan kaugnay ng kontrobersyal na insidente ng umano’y road rage sa North Luzon Expressway (NLEX) na kinasasangkutan ng kanyang convoy.
Sa speech niya sa flag ceremony nitong Lunes, March 2, sinabi ni Fernando na malinaw na umano’y naipaliwanag ng Malacañang at ng Land Transportation Office (LTO) ang isyu, kaya’t hinihikayat niya ang publiko na huwag nang magpalaganap ng negatibong impormasyon sa social media.
Samantala, nauna nang iniutos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pansamantalang pagsuko ng mga baril na nakarehistro sa gobernador.
Kasama rin dito ang kanyang security escorts at mga sasakyang sinasabing sangkot sa insidente, bilang bahagi ng imbestigasyon.
Inatasan naman ang LTO na siyasatin ang umano’y maling paggamit ng expressway na iniuugnay sa convoy ni Fernando.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, may natanggap siyang ulat hinggil sa insidente noong February 21, subalit nilinaw ng Malacañang na walang anak o miyembro ng pamilya ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang nasangkot o hinarass sa insidente. #
