BSKE 2026, kanselado; term limits ng barangay at SK officials, ginawa nang 5 taon

Hindi na matutuloy ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong darating na November 2026 matapos itong opisyal na ipagpaliban sa ilalim ng bagong lagdang batas.
Sa pamamagitan ng Republic Act No. 12326 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ngayong Biyernes, September 25, opisyal nang inilipat ang susunod na regular na halalan sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028, o sa November 13, 2028.Â
Dahil dito, mananatili muna sa pwesto ang mga kasalukuyang opisyal at magkakaroon sila ng dagdag na dalawang taong panunungkulan bilang bahagi ng transitory provision.
Bukod sa pag-urong ng petsa ng halalan, binago rin ng RA 12326 ang mismong haba ng termino ng mga halal na opisyal. Mula sa dating apat na taon, pinalawig na sa limang taon ang regular na termino ng mga opisyal ng barangay at SK.
Matapos ang 2028 elections, isasagawa na ang mga susunod na BSKE kada limang taon—partikular sa mga taong 2033 at 2038—bilang bahagi ng permanenteng pagbabago sa buong election cycle ng lokal na pamahalaan.
Nagpatupad din ng mga bagong patakaran ukol sa term limits para sa mga kandidato. Para sa mga elective barangay officials, ipinagbabawal na ang pagtakbo o paglilingkod nang higit sa dalawang magkasunod na termino sa parehong posisyon.
Para naman sa Sangguniang Kabataan, nananatili ang strict one-term limit sa parehong posisyon.
Samantala, para sa mga incumbent barangay officials na kasalukuyang nasa kanilang ikatlong sunod na termino, ituturing nang tapos ang kanilang huling termino pagdating ng 2028 dahil sa dalawang taong extension, at hindi na sila papayagang tumakbo muli sa parehong pwesto.
Tungkol naman sa pondo at teknikal na paghahanda, nilinaw na ang mga pondo para sa orihinal na BSKE 2026 na hindi pa nagagamit ay mananatili sa Commission on Elections (Comelec) bilang continuing appropriations na gagamitin para sa paghahanda sa 2028 elections.
Bago ang opisyal na pag-reset ng halalan, nakapag-imprenta na ang poll body ng mga balota at nakabili na rin ng mga ballot box at iba pang election materials para sa pondo ng 2026.
Ang pagbabagong ito ay kasunod din ng history ng mga legal na pag-adjust sa halalan. Kung babalikan ang timeline, nilagdaan din ni Pangulong Marcos noong August 2025 ang Republic Act No. 12232 na unang nagtakda ng apat na taong termino at naglipat ng halalan mula December 2025 patungong November 2026. #
