Blu Boys, muling nagkampeon sa men’s softball ng SEA Games

Ika-siyam na gintong medalya sa larangan ng men’s softball ang hatid ng Philippine Blu Boys matapos pabagsakin ang Singapore sa kanilang final match sa 2025 Southeast Asian (SEA) Games sa Thailand.
Nagtapos ang kanilang umaatikabong laban sa score na 3-0.
Naging susi sa panalo ng Pilipinas ang dominanteng pitching performance ni left-hander Jehanz Maristela Coro, na halos hindi pinagbigyan ang opensa ng Singapore at nagtala ng 17 strikeouts sa kabuuan ng laro.
Nagbigay ng maagang bentahe ang Pilipinas sa pamamagitan ng solo home run ni Justine Rosales sa unang inning, bago tuluyang patatagin ang kalamangan sa two-run single ni Lyonas de Leon sa ikaapat na inning.
Ang tagumpay na ito ay nagsilbing pagbawi ng Blu Boys sa pagkatalo nila sa Singapore noong 2019 SEA Games na ginanap sa Clark, Pampanga.
Bago ang finals, nagtala ang Pilipinas ng 2-1 na kartada sa preliminary round, kabilang ang kanilang panalo kontra bansang Malaysia at Thailand, habang tanging sa Singapore lamang din sila natalo sa simula ng kompetisyon. #
