Bilang ng mga biktima ng paputok sa bansa, bumaba ngayong 2026: DOH
Bumaba ang bilang ng mga naitalang kaso ng fireworks-related injuries sa buong bansa as of January 3, 2026, ayon sa Department of Health (DOH).
Batay sa pinakahuling tala ng kagawaran, umabot sa 655 cases ang kanilang naitala mula December 21. Mas mababa ito nang 20% kumpara sa 819 na kaso noong Salubong 2025.
Sa kabila nito, iniulat din ng DOH na mas malulubhang kaso ang mga pinsalang naitala ngayong taon. 54% ng mga biktima o 351 na kaso ay mga edad 19 pababa. Labing-siyam ang kinailangang putulan ng bahagi ng katawan, at 11 sa mga ito ay mga menor de edad.
Karamihan sa mga insidente ay dulot ng hindi matukoy na paputok, na sinundan ng kwitis at five star, mga uri na madalas iniuugnay sa matitinding pinsala sa kamay at mata.
Samantala, sa Central Luzon, nasa 22 cases naman ang naiulat na bilang hanggang January 1, 2026. 55% ito na mas mababa kumpara noong nakaraang taon.
Nasa 2 hanggang 31 years old ang mga nabiktima na nagtamo ng sugat sa mata, kamay, ulo at dibdib dahil sa paggamit ng five star, boga, pla-pla, kwitis, whistle bomb at fountain. #
