Biggest greenhouse facility sa Pilipinas, tugon sa hamon ng food security
Sa kanyang pagbabalik-bansa matapos dumalo sa 46th ASEAN Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia nitong Miyerkules, May 28, binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pinakamalaking greenhouse facility sa Pilipinas na Metro Pacific Fresh Farms (MPFF) sa Barangay Salapungan, San Rafael, Bulacan.

Target ng nasabing pasilidad na itaas ang antas ng agrikultura sa bansa sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya upang mapalakas ang food security.
Ang MPFF ay pinatatakbo ng Metro Pacific Agro Ventures, Inc. (MPAV) na isang subsidiary ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) sa ilalim ng pamumuno ni Manuel V. Pangilinan.
May lawak na 3.5 hectares ang pasilidad at gumagamit ng Israeli technology para sa hydroponic farming na isang modernong paraan ng pagtatanim gamit ang mas kaunting lupa, tubig, at pesticides.

Ayon sa Presidente ng MPAV na si Jovy Hernandez, siyam na beses na mas produktibo ang greenhouse kumpara sa tradisyunal na sakahan. Makapagtatanim umano ang ganitong uri ng hanggang 500 metric tons ng gulay kada taon. Bukod dito, nakapagbibigay rin ito ng mas malusog na produkto na abot-kaya para sa mga Pilipino.
Maliban sa production, layon din ng MPFF na maibahagi sa mga lokal na magsasaka ang makabagong kaalaman at teknolohiya upang mas mapataas ang kanilang ani at kabuhayan.
Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan na ang kumpanya sa mga local supermarket habang pinag-aaralan din ang pagbebenta ng produkto via online sa ilalim ng kanilang brand na “More Veggies Please”.

Simula ng magbukas noong Marso, nakalikha na ang pasilidad ng mahigit sa 100 trabaho para sa mga taga-Bulacan. Target din nilang magtayo pa ng karagdagang greenhouse facilities sa Palawan, Benguet, at Cavite bilang bahagi ng mas malawak na planong modern agriculture sa bansa. #
