‘BGC Boys’ ng DPWH, tuluyan nang kakasuhan dahil ₱1.68-B tax evasion
Pormal nang nakuha ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang go-signal mula sa Department of Justice (DOJ) upang sampahan ng sunod-sunod na kasong kriminal ang tatlong dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na binansagang “BGC Boys.”
Aabot sa 44 na civil at criminal case ang nakatakdang ihabla laban kina Jaypee De Leon Mendoza, Henry Alcantara, at Brice Ericson Hernandez kaugnay ng maanomalyang flood control projects sa Bulacan.

Sentro ng imbestigasyon ang halaga ng mga hindi nabayarang buwis ng mga akusado na umabot sa mahigit ₱1.6-billion habang nasa serbisyo pa sila sa pamahalaan.
Sa kanilang tatlo, si Alcantara ang may pinakamabigat na reklamo na may 18 criminal Information mula 2022 hanggang 2024. Umabot sa ₱913,827,146.89 ang hindi niya nabayarang buwis matapos madiskubre ang malaking agwat sa pagitan ng kanyang income at mga nakuhang ari-arian, bukod pa sa hindi niya paghahain ng Income Tax Return (ITR).
Sumunod naman si Hernandez na may 10 kaso at kabuuang utang na nagkakahalaga ng ₱593,776,009.80 mula 2020 hanggang 2024. Lumabas sa imbestigasyon ng BIR na di hamak na mas mataas ang gastusin ng opisyal kaysa sa kanyang kinikita.
Nahaharap din sa 16 na kaso si Mendoza mula 2021 hanggang 2024 na may kabuuang ₱179,785,191.86 na utang. Nakitaan siya ng ‘underdeclaration’ o sadyang hindi pagdedeklara ng tamang kita sa mga isinumiteng dokumento na itinuturing na pandaraya.
Inihayag ng pamunuan ng BIR na hindi nila sasantuhin ang sinumang indibidwal, lalo na ang mga dating opisyal na sumira sa tiwala ng publiko. Giit ng ahensya, direktang nababawasan ang kaban ng bayan sa bawat pisong nawawala dahil sa tax evasion. Ang pondong dapat sana’y nakalaan para sa mga proyekto at serbisyong panlipunan.
Samantala, inaasahan namang magiging mabilis na ang pag-usad ng kaso sa korte ngayong may clearance na mula sa mga piskal ng DOJ. Bukas din ang BIR sa iba pang impormasyon na maaaring mag-ugnay sa iba pang kasabwat ng “BGC Boys.” #
