‘Bawat Bayan Makikinabang’ program, inilunsad sa Obando, Bulacan
Mahigit 2,000 pamilya sa Obando, Bulacan ang nakatanggap ng tig-10 kilo ng bigas, habang 11 barangay naman ang pinagkalooban ng tig-₱200,000 sa paglulunsad ng programang “Bawat Bayan Makikinabang” nitong May 21.
Sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa bayan, tiniyak niya na hindi lang isang beses ipatutupad ang pamamahagi ng bigas dahil target itong maisagawa kada dalawang buwan o anim na beses sa loob ng isang taon.

Kasama sa mga pangunahing nakatanggap ng ayuda ang mga pamilya mula sa mga coastal barangay ng Salambao at Binuangan upang masigurong hindi napag-iiwanan ang mga sektor na nasa baybaying-dagat.
Samantala, sa natanggap namang ₱200,000 na pondo ng bawat barangay, kalahati nito o ₱100,000 ang direktang ilalaan para sa educational assistance na pakikinabangan ng 55 na piling scholar sa Obando.

Ayon sa Pangulo, ang ayudang ito ay galing sa Local Government Support Fund na layong mapalakas ang direktang suporta sa mga lokal na pamahalaan at kanilang mga nasasakupan.
Ibinahagi rin ni PBBM na naging batayan ng programa ang kanyang siyam na taong karanasan bilang dating gobernador ng Ilocos Norte, kung saan mas nakita niya ang pangangailangang paglapitin ang serbisyo ng National at Local Government sa mga mamamayan. #
