Barangay, unang responsable sa garbage collection at monitoring: CENRO San Fernando
Iginiit ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) San Fernando, Pampanga na pangunahing responsibilidad ng barangay ang regular na pangongolekta at maayos na pamamahala ng basura sa kanilang nasasakupan.
Kasunod ito ng tambak ng basurang ini-report sa #POVsaCLTV sa Brgy. Del Pilar kung saan ilang residente ang nag-ugnay sa pagkakaipon ng basura sa kawalan umano ng garbage truck na regular na nakakapasok sa area

Ayon kay Acting CENRO Officer Raymond Del Rosario, nakasaad umano sa Republic Act No. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2002 na nasa barangay ang pangunahing tungkulin sa pagpapatupad, pangongolekta, at segregation ng basura sa kanilang nasasakupan.
Aniya, nakatuon ang kanilang tanggapan sa illegal dumping sa mga major thoroughfares o pangunahing kalsada sa Syudad.
Una nang sinabi ng naturang barangay sa CLTV36 News na sakop nila ang lugar sa boundary ng Sitio Tagulod, Brgy. San Nicolas kung saan muling nakita ang mga tambak ng basura.
Samantala, sinabi rin ni Del Rosario na na-clear na ang naiulat na tambak matapos magsagawa ng paghahakot gamit ang manual loading at karagdagang heavy equipment.
Inaalam din daw ngayon ng City Government kung ang lugar ay barangay road o private property. Kung pribadong lugar daw, ayon sa CENRO, maaari itong ipasara upang hindi na muling gawing tapunan.
Ini-refer na rin ng CENRO ang concern sa DILG San Fernando upang maabisuhan ang concerned barangay na paigtingin ang monitoring at regular na garbage collection sa lugar. #
