Baha at lahar dulot ng ulan, naminsala sa Sta. Fe, Zambales
Nasa 12 silid-aralan ng Sta. Fe National High School sa San Marcelino, Zambales ang lubhang napinsala matapos pasukin ng baha at lahar ang komunidad bunsod ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan.

Bukod sa paaralan, naapektuhan din ang barangay hall, multipurpose hall at bahagi ng dike sa lugar. Nasira rin ang tulay na nag-uugnay sa magkabilang bahagi ng barangay, dahilan upang ma-isolate ang area at mahirapang makapasok ang mga pangunahing supply.

Batay sa post ng San Marcelino Public Information Office, apektado ang 132 mag-aaral ng naturang paaralan na pansamantalang sumasailalim sa modular learning habang hindi pa ligtas gamitin ang mga nasirang classroom.
Bilang tugon, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang agarang rehabilitasyon ng paaralan, dike at barangay hall, gayundin ang pagtatayo ng bagong tulay bilang kapalit ng nasira.
Patuloy ang pamamahagi ng ayuda sa mga residente, kabilang ang food packs, hygiene kits at tig-₱10,000 cash assistance para sa 1,000 pamilyang naapektuhan ng pagbaha at pag-agos ng lahar.
Nitong August 19, 2026 nang malubog naman sa buhangin ang ilang kabahayan sa Sta. Fe dulot ng pag-apaw ng ilog sa lugar. #
