Bagong regional prison facility, itatayo sa Nueva Ecija matapos ang 53 taon
Magkakaroon na muli ng bagong regional prison facility sa bansa makaraan ang mahigit limang dekada. Ito’y matapos pangunahan ng Bureau of Corrections ang groundbreaking ng proyekto sa Palayan City, Nueva Ecija.

Aabot sa ₱470 million ang halaga ng makabagong pasilidad na itatayo sa 60-hectares na lupang ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan.
Target itong matapos sa loob ng isang taon at kayang mag-accommodate ng hanggang 7,500 persons deprived of liberty.
Layon daw nitong maibsan ang siksikan sa mga bilangguan sa Pilipinas sa pamamagitan ng hiwalay na mga pasilidad para sa iba’t ibang security level. Kabilang sa mga ito ang maximum, medium, at minimum-security camps, pati na rin ang mga pasilidad para sa kababaihan at rehabilitation center.

Bukod sa seguridad, magkakaroon din ng rehabilitation programs gaya ng vocational training, agricultural areas, at drug treatment centers upang mas mapalakas ang reintegration ng mga PDL.
Inaasahan din itong magbigay ng malaking tulong sa lokal na ekonomiya ng Palayan City dahil sa libo-libong trabahong malilikha sa panahon ng konstruksyon at sa tuloy-tuloy na operasyon nito.
Kasabay nito, mapapabilis din umano ang pag-unlad ng imprastraktura sa lugar tulad ng mga kalsada at utilities, bilang bahagi ng pagpapahusay ng sistema ng kulungan at paggamit ng mga lupain ng gobyerno sa bansa. #
