Autumn Durald Arkapaw, first woman and Filipina na nanalo ng Best Cinematography sa Oscars
By Reyniela Tugay, CLTV36 News

Isang makasaysayang tagumpay ang naitala sa mundo ng pelikula matapos manalo ni Autumn Durald Arkapaw, isang Filipino-American mula sa Masantol, Pampanga, ng Best Cinematography para sa pelikulang Sinners ni Ryan Coogler nitong Linggo, March 15.
Si Autumn ang kauna-unahang babae at kauna-unahang Filipino na nagwagi sa naturang kategorya sa kasaysayan ng Oscars. Itinuturing ito ngayon bilang milestone para sa kababaihan sa industriya ng pelikula.
Sa kanyang acceptance speech, nagpasalamat si Autumn at sinabi na ang pagkilala sa kanya ay isang tulay upang maging inspirasyon sa mga kababaihang nagtatrabaho sa likod ng kamera.
Pinuri rin niya ang direktor na si Ryan Coogler sa pagbibigay ng espasyo at oportunidad sa mga babaeng filmmaker sa industriya.
Hindi lamang si Autumn ang gumawa ng kasaysayan sa pelikulang Sinners, na may record-breaking na 16 nominations, kabilang ang Best Picture. Si Zinzi Coogler, asawa ni Ryan, ay naging kauna-unahang Filipino rin na nominated para sa Best Picture—bagay na nagpapatibay sa ambag ng mga Filipino talent sa Hollywood.
Itinuturing ang tagumpay na ito bilang mahalagang hakbang sa mas malawak na representasyon ng kababaihan at mga Pinoy sa pandaigdigang industriya ng pelikula. #
