Aurora Gaming PH, kampeon sa M7 World Championship ng Mobile Legends: Bang Bang
Pilipinas pa rin ang malakas!
Buhay na buhay pa rin ang mantra ng Pilipinas sa world stage matapos hindi payagan ng Aurora Gaming PH na maagaw ng home bet na Alter Ego ang trono ng M7 World Championship ng Mobile Legends: Bang Bang sa grand finals na ginanap sa Jakarta, Indonesia.
Sa kabila ng home crowd advantage ng kalaban, ipinamalas ng Aurora ang kontrol at disiplina mula simula hanggang dulo ng serye upang tuluyang masungkit ang kampeonato sa iskor na 4–0.
Pinangunahan nina “Edward,” “Demonkite,” “Yue,” “Domeng,” at “Light” ang matatag na kampanya ng koponan mula sa upper bracket.
Bago umabot sa finals, nalagpasan muna ng Aurora ang kapwa Philippine team na Team Liquid, muling pinataob ang Alter Ego, at tinalo ang Selangor Red Giants ng Malaysia sa isang dikdikang laban.
Ito ang pinakamahusay na pagtatapos ng Aurora Gaming PH sa M-Series, habang ikalawang world title naman ito ni Edward matapos magkampeon kasama ang Blacklist International noong M3.
Naiuwi ng Aurora ang $320,000 mula sa kabuuang $1,000,000 prize pool ng torneo.
Sa panalong ito, anim na sunod na M-Series na ang naiuwi ng Pilipinas—na sinimulan ng Bren Esports sa M2, sinundan ng Blacklist International sa M3, ECHO sa M4, AP Bren sa M5, at ONIC Philippines sa M6. #
