ASSERT: Pangamba, Hindi Excitement, ang Sumasalubong sa Pasukan 2026-2027
By Sonia P. Soto
CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga — Sa nalalapit na pagbubukas ng School Year 2026–2027, nanawagan ang Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT) sa Department of Education at pamahalaan na tugunan ang ugat ng krisis sa edukasyon sa halip na magpatupad ng mga repormang umano’y dagdag pasanin lamang sa mga guro.
Sa isang press conference nitong Hunyo 1, sinabi ni ASSERT National President Arlene James S. Pagaduan na bagama’t maraming Pilipino ang nagtatanong kung excited na ba sa pasukan, pangamba umano ang mas nangingibabaw sa hanay ng mga guro, mag-aaral at mga magulang.
Ayon kay Pagaduan, nananatiling problema ang kakulangan sa mga silid-aralan, guro, pasilidad at suporta sa mga pampublikong paaralan, habang patuloy ding lumalala ang workload at compliance requirements na ipinapasa sa mga guro.
Iginiit din ng grupo na hindi simpleng “teacher factor” ang sanhi ng mababang kalidad ng edukasyon sa bansa kundi isang mas malalim na sistemikong problema.
“Kung systemic ang problema, dapat systemic din ang solusyon,” ani Pagaduan.
Binanggit ng ASSERT na patuloy na nakararanas ang mga guro ng mabigat na administrative workload, magkakaibang interpretasyon sa pagpapatupad ng mga polisiya ng DepEd, at kakulangan sa aktuwal na suporta sa loob ng mga paaralan.
Pinuna rin ng grupo ang mga repormang inilulunsad sa sektor ng edukasyon kung hindi naman umano natutugunan ang mga pangunahing suliranin tulad ng kakulangan sa classrooms, learning resources, maayos na learning environment, at pagpapatupad ng mga probisyon ng Magna Carta for Public School Teachers.
Kasabay nito, nanawagan ang ASSERT sa DepEd na higit na konsultahin ang mga organisasyon at unyon ng mga guro sa pagdidisenyo at pagpapatupad ng mga reporma.
Ayon sa grupo, mahalagang tiyakin na may sapat na pondo, resources at panahon para sa implementasyon ng mga bagong programa upang hindi madagdagan ang pasanin ng mga nasa frontline ng edukasyon.
Hinikayat din ng ASSERT ang mga guro na magkaisa at palakasin ang kanilang mga organisasyon upang mas maging epektibo ang pagsusulong ng mga pagbabago sa sistema ng edukasyon.
“Ang edukasyon ay hindi negosyo. Ang edukasyon ay serbisyong panlipunan. Karapatan ito ng bawat Pilipino at pangunahing responsibilidad ito ng estado,” diin ni Pagaduan.
Samantala, inaasahang magpapatuloy ang mga diskusyon hinggil sa mga reporma sa edukasyon habang papalapit ang pagbubukas ng klase sa buong bansa.
###
