Anomalya sa flood control projects, paiimbestigahan ni PBBM; mga mapatutunayang sangkot, pananagutin

Dahil sa malakas na ulang dala ng habagat at sunod-sunod na bagyo nitong nakaraang linggo, maraming imprastruktura ang nasira, partikular sa mga flood control projects ng pamahalaan.
Dahil dito, ipinag-utos ni President Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang 4th State of the nation Address ang malawakang audit at performance review ng mga naturang proyekto na isinagawa mula nang maupo siya noong 2022.
Sinabi ng Pangulo na marami sa mga flood control structures na nakita niya sa kanyang pag-iinspeksyon matapos ang pananalasa ng mga Bagyong Crising, Dante, at Emong ay mababa ang kalidad, bumagsak, o hindi man lang natapos.
Sa lalawigan ng Pampanga, kabi-kabilang proyekto sa baha ang bumigay at nasira, partikular sa mga bayan ng Lubao, Floridablanca, at Guagua.
Tinuligsa rin ni Marcos ang umano’y katiwalian sa likod ng mga proyektong ito. Aniya, hindi na dapat magkunwari ang mga sangkot dahil alam ng publiko ang modus na ginagamit para pagkakitaan ang pondo ng bayan.
“Huwag na po tayong magkunwari. Alam ng buong madla na nagkaka-raket sa mga proyekto. Mga kickback, mga ‘initiative’, ‘errata’, ‘S.O.P.’, ‘for the boys’. Kaya sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino!” ani Pangulong Marcos.
Binanggit din niya ang epekto ng mga ito sa mga pamilyang nasalanta ng baha at sa mga susunod na henerasyong magmamana ng utang dulot ng maling paggamit ng pondo.
Bilang tugon, inatasan ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways o DPWH na isumite ang listahan ng lahat ng flood control projects sa bawat rehiyon na sinimulan o natapos sa nakalipas na tatlong taon.
Ire-review ito ng mga regional project monitoring committee upang matukoy ang mga palpak, hindi natapos, o hindi talaga naipatupad na proyekto.
Binigyang-diin niya rin na isasapubliko ang buong listahan upang mabigyan ng linaw ang publiko at matiyak ang pananagutan sa mga proyekto na may iregularidad.
“Isasapubliko natin ang listahang ito. Kaya ang publiko na saksi sa mga proyekto ay malayang suriin ang listahan at magbahagi ng kanilang nalalaman para makatulong sa ating imbestigasyon,” ani Marcos.
“At the same time, magkakaroon ng audit at performance review ukol sa mga proyekto upang masiguro at malaman kung paano nagasta ang inyong pera,” dagdag pa niya.
Giit pa niya, kailangang malaman ng taong-bayan ang buong katotohanan at kailangang may managot sa matinding pinsala at katiwalian.
“Sa mga susunod na buwan, makakasuhan ang lahat ng mga lalabas na may sala mula sa imbestigasyon — pati na ang mga kasabwat na kontratista sa buong bansa,” ani Marcos.
Kaugnay nito, inihayag ng pangulo na hindi niya aaprubahan ang anumang panukalang General Appropriations Bill para sa 2026 na hindi lubos na naaayon sa National Expenditure Program.
Aniya, handa siyang gawin ito kahit pa magresulta ito sa pagkakaroon ng reenacted budget.
“Hindi ko aaprubahan ang kahit anong budget na hindi alinsunod sa plano ng gobyerno para sa sambayanang Pilipino,” saad ng Pangulo. #
