Annual subsidy sa sahod ng private school teachers, itinaas ng DepEd sa ₱24,000

Simula sa School Year 2025-2026, tataas na sa ₱24,000 kada taon ang Teachers’ Salary Subsidy (TSS) para sa mga kuwalipikadong guro sa mga private school, ayon sa Department of Education (DepEd).
Mula sa dating ₱18,000 na annual subsidy, inaprubahan ang nasabing increase ng State Assistance Council (SAC) sa pamamagitan ng ad referendum, na siyang nagpapatakbo sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) program.
Ayon sa DepEd, tugon ito sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na itaas ang kalidad at patas na trato sa sektor ng edukasyon, gaya ng binigyang-diin niya sa kanyang 4th State of the Nation Address.
Binanggit ni Education Secretary Sonny Angara na mahalagang kilalanin ang ambag ng mga guro sa pribadong paaralan sa nation-building. Aniya, bagama’t may agwat pa rin sa pagitan ng sahod ng public at private school teachers, malinaw umano ang hakbang na ito upang mabawasan ang pagkakaibang iyon.
Ang TSS ay bahagi ng GASTPE na binuo sa ilalim ng Republic Act No. 8545. Saklaw nito ang mga full-time licensed teacher sa mga paaralang kabilang sa Education Service Contracting (ESC) program, basta’t nagtuturo sila ng hindi bababa sa tatlong oras bawat linggo sa ESC grantees. #
