Anita Rose Gomez, wagi bilang 1st runner-up sa Miss Asia Pacific International 2025
By Jonathan Acordon, CLTV36

Nagtapos bilang 1st runner-up ang pambato ng Pilipinas na si Anita Rose Gomez sa katatapos lamang na Miss Asia Pacific International 2025 na ginanap sa Cebu Coliseum nitong Huwebes, October 9.
Bagama’t hindi naiuwi ni Gomez ang korona, umani siya ng papuri mula sa mga hurado at manonood dahil sa kanyang impressive performance sa buong kompetisyon.


Nasungkit niya ang titulong Best in Swimsuit at 1st runner-up sa Best in Evening Gown sa preliminaries. Bukod dito, tumanggap din siya ng ilang special awards gaya ng Miss Cinderella Drip, Miss Hotel 101, Miss RMBZ, at Miss Brainstrong.
Nakamit naman ni Isabela Fernandes ng Brazil ang korona bilang Miss Asia Pacific International 2025, na iginawad sa kanya ni Sharifa Akeel, ang Miss Asia Pacific International 2018. Tinalo ni Fernandes ang 42 kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Samantala, itinanghal na 2nd runner-up si Bowonrat Maneerat ng Thailand, 3rd runner-up si Jana Janssens ng Belgium, at 4th runner-up si Delilah Elmira Wildeboer ng Netherlands.



Isa rin sa mga highlight ng pageant ang pagkilala sa mga kandidata sa kanilang volunteer work para sa mga biktima ng 6.9 magnitude na lindol sa Cebu noong September 30, bilang bahagi ng kanilang adbokasiya para sa malasakit at pagtulong sa komunidad.
Itinatag noong 1968, ang Miss Asia Pacific International ay patuloy na nagsusulong ng kapayapaan, pagkakaunawaan, at empowerment ng kababaihan bilang patunay na ang kagandahan ay nasusukat sa puso, layunin, at malasakit sa kapwa. #
