Alex Eala, bigo sa singles draw ng Australian Open; sasabak sa doubles
Maagang natapos ang kampanya ni Filipino tennis star Alex Eala sa singles draw ng Australian Open matapos itong matalo sa unang round sa Melbourne.

Natalo ang 20-anyos na si Eala kay Alycia Parks ng Estados Unidos sa scores na 0-6, 6-3, 6-2 sa loob ng halos dalawang oras na laban na ginanap sa Court 6.
Matikas ang naging simula ni Eala nang dominahin niya ang unang set gamit ang sari-saring tira at pagsamantala sa errors ng kalaban para makuha ang 6-0 na panalo. Subalit nakabawi si Parks sa sumunod na mga set.
Nagpakita pa rin ng laban si Eala sa 2nd set nang makahabol mula sa 0-3 deficit, ngunit muling nakuha ng American player ang kontrol hanggang sa mapwersa ang deciding set.
Sa ikatlong set, naging dikdikan ang labanan sa umpisa ngunit nanaig ang karanasan ni Parks matapos samantalahin ang sunod-sunod na unforced errors ng Filipina tennis player.
Sa kabila ng pagkatalo, mahalagang hakbang pa rin ito para kay Eala na unang beses na sumabak sa Australian Open main draw, kasunod ng magagandang ipinakita niya sa mga tune-up tournaments bago ang Grand Slam.
Matapos nito, naka-focus na si Eala sa doubles draw ng torneo kasama ang Brazilian player na si Ingrid Martins sa Martes, January 20. #
