Alex Cauguiran, binanatan ang depensa ni Sec. Vince Dizon kay PBBM sa flood control controversy
By Reyniela Tugay, CLTV36 News

Kinundena ni Alexander Sangalang Cauguiran, dating Presidente ng Clark International Airport Corporation (CIAC) at former Angeles City Councilor, ang pagdepensa ni DPWH Secretary Vince Dizon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kaugnay ng umano’y malawakang korapsyon sa flood control projects.
Ayon kay Cauguiran, hindi totoong transparency ang nagtulak sa Malacañang na bumuo ng independent commission, kundi ang lumalakas umanong kilos-protesta at galit ng publiko.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Cauguiran na “huli at pilit” umano ang naging aksyon ng administrasyon sa kabila ng serye ng alegasyon ng budgetary insertions, substandard flood control projects, at ghost infrastructure programs.
Giit niya, bakit hinayaan pa umanong lumobo, kumalat, at maipatupad ang mga proyektong may anomalya bago kumilos ang Pangulo.
Tinuligsa rin niya ang hindi paggamit ni PBBM ng kapangyarihang mag-line veto, mag-review ng questionable items, o ibasura ang problematic flood control allocations bago lagdaan ang budget.
Samantala, sa pagbira niya kay Dizon, tinawag niya itong “sipsip at nagtatakip,” dahil sa umano’y pag-iwas niya sa mga mahahalagang tanong— kung bakit nakalusot ang insertions sa Malacañang, bakit hindi na-veto ang questionable funds, at bakit ngayon lang lumabas ang mga impormasyon matapos sumiklab ang public outrage.
Dagdag pa ni Cauguiran, tila napilitan lang ang administrasyon na kumilos dahil sa sunod-sunod na protesta ng iba’t ibang sektor— mula simbahan at business groups hanggang student organizations na nag-walkout sa ilang kolehiyo at unibersidad.
Sa dulo ng kanyang pahayag, iginiit ni Cauguiran na hindi umano kusang-loob ang naging hakbang ng Pangulo, dahil malinaw na ginawa ito para sa sariling imahe at hindi sa interes ng taumbayan. #
