AI talents ng Pilipinas, tutukuyin ng gobyerno; The National Engineering University campus sa New Clark City, nakikitang malaking oportunidad
Tututukan ng pamahalaan ang pagtukoy at pagsasanay sa mga Pilipinong may kasanayan sa Artificial Intelligence (AI) bilang paghahanda sa lumalawak na industriya ng makabagong teknolohiya.
Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Robert Joseph Montes de Claro, nakapagtatag na ang gobyerno ng AI Council na pinamumunuan ni Executive Secretary Ralph Recto. Bagama’t hindi pa umano nagpupulong ang konseho, kabilang sa mga prayoridad nito ang talent scouting at paglinang sa kakayahan ng mga Pilipinong nasa AI-related degree programs.
Malaking oportunidad din ang nakikita ng kalihim sa itinatayong campus ng Batangas State University (The National Engineering University) sa New Clark City, Capas, Tarlac, upang makapaghanda ng mga propesyonal na tutugon sa pangangailangan ng mga umuusbong na industriya.
Target din ng pamahalaan na makapagbalangkas ng mga programang magpapalakas sa kakayahan ng bansa — hindi lamang bilang gumagamit ng AI technology kundi maging sa paglikha, engineering at manufacturing ng mga teknolohiyang kaugnay nito.
