AGAP.AI, inilunsad ng DepEd; 1.5-M estudyante sa bansa, target maging AI-literate
Opisyal nang inilunsad ng Department of Education o DepEd ang AGAP.AI o ang Accelerating Governance and Adaptive Pedagogy through Artificial Intelligence sa Quezon City Science National High School nitong Biyernes, January 9.

Isa itong flagship program na layong pagsamahin at pabilisin ang lahat ng inisyatiba ng ahensya sa artificial intelligence para sa mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Kasabay nito, nilagdaan din ang Memorandum of Understanding sa pagitan ng DepEd at ASEAN Foundation para sa nationwide rollout ng AI Ready ASEAN Programme.
Target nitong palawakin ang AI literacy at itaguyod ang responsableng paggamit nito sa nasa 1.5 milyong mag-aaral sa Pilipinas.
Pinangunahan ang programa nina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., Education Secretary Sonny Angara, Assistant Secretary Dexter Galban, at Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Dumalo rin sa okasyon ang mga kinatawan ng CyberGuardians PH, kabilang sina Executive Committee Members Paolo Sangil at Marian Pacunana-Sangil, kasama ang AI Ready ASEAN master trainers, bilang suporta sa pagsusulong ng ligtas at inklusibong paggamit ng artificial intelligence sa edukasyon.

Samantala, upang mas maiparating sa publiko ang mga programa, oportunidad, at benepisyo ng AI sa edukasyon at iba pang larangan, katuwang din ng AI Ready ASEAN Programme ang CLTV36 sa paghahatid ng impormasyon sa lahat ng sektor at industriya sa bansa na makikinabang mula rito. #
