Active shooter drills sa mga paaralan sa Pampanga, iginiit kasunod ng pamamaril sa Tacloban
Kasunod ng pamamaril sa isang pampublikong paaralan sa Tacloban City, isinusulong ngayon ang mas pinaigting na paghahanda ng mga mag-aaral at eskwelahan laban sa mga posibleng banta sa seguridad.
Nanawagan si Pampanga 1st District Rep. Carmelo “Pogi” Lazatin, Jr. sa Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMOs), Philippine National Police (PNP), at Department of Education (DepEd) na magsagawa ng active shooter simulation exercises (SIMEX) at iba pang emergency drills sa mga paaralan.
Ayon kay Lazatin, mahalagang maihanda ang mga estudyante at kawani ng paaralan sa tamang pagtugon sakaling magkaroon ng aktibong pamamaril o iba pang katulad na insidente.
Sinabi rin ng kongresista na naipatupad na ang kahalintulad na programa sa Angeles City noong siya pa ang alkalde mula 2022 hanggang 2025.


Aniya, isinagawa noon ang serye ng mga pagsasanay kaugnay ng hostage crisis at mass shootings sa lahat ng antas ng paaralan, kasabay ng mga nakagawiang fire at earthquake drills.
Kaugnay niyan, hinikayat ni Lazatin ang mga LGU na maglaan ng pondo mula sa Special Education Fund (SEF) para sa pagpapatibay ng seguridad sa mga pampublikong paaralan.
Nanawagan din siya sa mga administrador na maging mapagmatyag at agad na paganahin ang mga mekanismo laban sa school bullying upang maiwasan ang mga posibleng ugat ng karahasan.
Binigyang-diin niya rin ang mahalagang papel ng mga magulang sa pamamagitan ng pag-atas sa kanilang mga anak na na i-save sa kanilang cellphone ang mga emergency hotline.
Samantala, nagpaabot si Lazatin ng pakikiramay at panalangin para sa agarang paggaling ng mga nasugatan sa Tacloban, habang nananawagan sa pamahalaan at komunidad na magkaisa para sa kaligtasan ng mga bata. #
