Drug case ni De Lima, ibinalik ng Court of Appeals sa Muntinlupa RTC para ayusin
Ibinalik ng Court of Appeals (CA) sa Muntinlupa Regional Trial Court ang kanilang naging desisyon na acquittal kaugnay ng isang drug case ni dating Justice Secretary Leila De Lima.
Ayon sa CA, hindi sapat ang paliwanag ng Muntinlupa trial court judge kung bakit niya ipinawalang-sala si De Lima at ang dati niyang bodyguard na si Ronnie Dayan noong 2023.
Batay sa ruling ng CA, nagkamali ang hukom sa pagbase lamang sa pagbawi ng testimonya ni dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Rafael Ragos, na dating nagsabing nag-abot siya ng ₱10-million kay De Lima. Sa bandang huli ay binawi ito ni Ragos at sinabing pinilit lamang siya noon ni dating Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre na idawit si De Lima.
Matatandaang nakulong ang Senadora nang halos pitong taon makaraang masangkot ang pangalan niya sa usapin ng illegal drug trade sa Bilibid noong siya pa ang Kalihim ng DOJ. Ang una at huling drug charges ay na-dismiss sa pamamagitan ng ‘demurrer of evidence’ noong February 2021 at June 2024.
Samantala, sa kanyang Facebook post, tumugon si ML Partylist 1st nominee Leila de Lima sa desisyon ng Court of Appeals. Sinabi niya rito na ikinagulat nila ang pasya ng naturang Korte. Iginiit niya na malinaw ang desisyon ng Regional Trial Court (RTC) sa kanyang acquittal at makikita ito sa records ng kaso.

Nilinaw din niya na hindi binawi ng CA ang acquittal, kundi ipinaaayos lamang ang paliwanag ng desisyon.
Dagdag pa niya, iaapela nila ang desisyon ng naturang hukom hanggang sa Korte Suprema kung kinakailangan. Nanindigan din siyang hindi ito hadlang sa kanyang pagbabalik sa serbisyo publiko. #
